Sinampahan ng reklamo ng Optical Media Board (OMB) ang 15 katao dahil sa pamimirata umano ng pelikulang kalahok sa 2021 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing idinala ng OMB ang kanilang reklamo sa Department of Justice (DOJ), at sinampahan ang mga umano'y namimirata ng paglabag sa Republic Act 9239 o Optical Media Act at Republic Act 8293 o Intellectual Property Code.

Ayon sa OBM, nag-iba rin ang klase ng pamimirata ngayong panahon ng pandemya na sarado pa ang mga sinehan at online muna ang panonood ng mga pelikulang kalahok sa filmfest.

Malaking hamon aniya ito para sa mga awtoridad.

"Doon sa post nila, nakasulat 'yung names ng movies, even 'yung amount kung magkano and may instructions pa sila on how to download the same, and kung paano magbayad, kasi may modes of payments sila through online eh," sabi ni Atty. Cyrus Valenzuela, Chief Legal Counsel ng OMB.

"This is a test case, we are hoping that they will be indicted for this," dagdag ni Valenzuela.

ADVERTISEMENT

Sa halagang P10 hanggang P20 lang umano ibinibenta ng mga namimirata ang mga pelikula mula sa orihinal na P250.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 40 ang mga site na nag-aalok ng mga piniratang pelikula sa online, at patuloy pang nadaragdagan.

Nagrereklamo rin ang Upstream, ang tanging lisensyadong streaming site na puwedeng magpalabas ng MMFF.

"Gusto natin ng quality pictures sa Pilipinas, gusto rin natin ng sustainable showbiz industry sa Pilipinas. Suportahan po natin ang pelikulang Pilipino," sabi ni Jovit Moya, spokesperson ng Upstream.

"It's going to be hard for indie film makers, to make their money back, kasi pinipirata lang ang films nila. Number two magiging mahirap na mag-progress 'yung Filipino entertainment to the digital sphere kasi pinipirata lang 'yung content eh," sabi ni Quark Henares, producer.

Kinondena ng AKTOR Inc ang pamimirata at hinikayat nila ang publiko na huwag tangkilikin ang mga piniratang pelikula at huwag makipagsabwatan sa krimen.

"Nais naming ihayag ang aming lungkot at dismaya dahil sa nagawa pa rin ng mga piratang lantarang nakawin ang mga pelikulang inihain ng aming industriya nitong nakaraang MMFF," sabi ng AKTOR Inc.

Bumuo na rin ang mga awtoridad ng anti-piracy task force para mas mabilis pang mahuli ang mga namimirata ng MMFF films, at iba pang pelikulang Pilipino.

"Bagama't mahirap, nate-trace namin sila... Mahuhuli't mahuhuli po namin sila," sabi ni Asec. Celine Pialago ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Tatlo ang nadakip sa operasyon ng OMB matapos mamirata ng mga pelikulang MMFF sa Recto at Nepa Q Mart at na-inquest na sila.

"Sising-sisi po, sana naman po'y mapatawad ako. Kung ano ang paninda ko, 'yun na lang ang paninda ko," sabi ng isang suspek na si Samboy Reyes.

Hanggang 12 taon pagkakakulong at hanggang P100,000 multa ang maaaring ipataw sa mga mapatutunayang nagkasala.--Jamil Santos/FRJ, GMA News