Inilahad ni JD Domagoso ang suportang ipinaramdam sa kaniya ng mga magulang sa pagpasok niya sa showbiz, lalo na ang kaniyang amang si Manila Mayor Isko Moreno na tiwala na kakayanin niya ang kaniyang trabaho.

Sa "Kapuso Showbiz News," sinabi ni JD na gayunman, hindi pa rin maiwasan minsang mag-alala sa kaniya ng kaniyang inang si Diana Ditan.

"There is a bit of hesitation on my mom's side because siyempre mami-miss niya ako. Mommies, you know, get to worry a lot," sabi ni JD.

Pero buo naman ang tiwala sa kaniya ng amang si Isko.

"But my dad, wala naman. He trusts me na siguro na kaya ko ito. Ito nga ang pinasok kong job na gusto ko so he's not gonna be worried for me that much anymore kasi it's already been a long time."

May ipinayo rin si Mayor Isko, na naging artista rin at bahagi ng That's Entertainment, sa kaniyang anak.

"Galingan ko lang daw because first time ko ito eh, so huwag daw akong mapahiya, don't make it embarassing 'yung work ko," ani JD.

Bukod sa kaniyang ama, patuloy daw na natututo si JD sa mga workshop na dinadaluhan niya.

"'Yung binibigay ni papa sa akin is like general advice lang. Pero when it comes to acting po, doon ko nakukuha sa workshops," anang Kapuso actor.

Bahagi si JD ng cast ng upcoming Kapuso series na "First Yaya" na pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion. – Jamil Santos/RC, GMA News