Hindi pinagsisisihan ni Beth Tamayo ang desisyon niya na iwan ang showbiz kahit na hindi naging madali ang buhay niya sa Amerika. Inilahad din ng aktres ang kaniyang mga pag-aalinlangan na bumalik sa industriya.

"I don't regret it, I do not. I guess in anything and in everything you shouldn't regret anything, wala kang dapat regret sa kahit na ano," sabi ni Beth sa online talk show ni Paolo Contis na "Just In."

Ngunit pag-aamin naman ni Beth: "Do I miss it? Paminsan-minsan."

Kaya naman natutuwa si Beth kapag may kumakausap sa kaniya para ayain siya sa guestings.

"Nakakatuwa na meron pa ring, 'gusto ka naming kumustahin.' Feeling ko wala na namang pakialam ang tao sa akin since I left and it's been like what? 10, 11 years or something."

"But I'm still very grateful that people would still, like, follow me, my journey on Instagram, my running journey and what not."

Nasa Amerika ngayon si Beth at nabubuhay bilang isang empleyado.

"I don't regret it and happy naman ako, I guess... It's a humbling experience. When I moved here marami kang na-appreciate na mga maliliit na bagay," anang aktres.

Sinagot din ni Beth ang tanong ni Paolo kung kinokonsidera niyang bumalik sa showbiz.

Ayon kay Beth, may kumausap sa kaniya na "panahon ng comeback ngayon" at kailangan ang mga artistang kagaya niya.

"Before si Ina Raymundo wasn't as active as an actress, or she has family. And then after that she went back. Si Sunshine Cruz also, who is a good friend of mine, now very active also," kuwento ni Beth.

"Sinasabi nila 'We actually need someone like you.' Ako naman sabi ko 'I'll think about it,'" pagpapatuloy niya.

Gayunman, may pag-aalinlangan si Beth tungkol sa muling pagsisimula ng buhay at career sa Pilipinas matapos siyang umalis noong 2009.

"Pero after building a life here in America, ang hirap kasing magsimula ulit, like if you go back home. I mean, I have a family, I have a house there, I can stay with my mom. Pero sabi ko nga, we have to start from scratch again."

Hindi rin daw basta-basta maiiwan na lang ni Beth ng buhay niya sa kasalukuyan sa Amerika.

Para pa kay Beth, mabilis ang panahon sa showbiz industry.

"Siyempre ang iniisip ko rin minsan 'yung stability. Kasi 'di ba, ang artista alam naman natin, we know that, you can be like super busy for one whole year and then next year medyo tengga ka nang slight or whatever."

"And everyday there's a new face that gets discovered. Araw-araw may bagong mukha, every two years may bago na namang ginu-groom na artista. Nakakatakot minsan," saad niya.

Sabi ni Beth: "For me nasanay na ako na I have a job from Monday to Friday, ayun lagi ang work where I go to work from 8:30 until 5 o'clock. I know I'll get paid every 15 to 30th of the month, you know. So parang, that's it! What else can I ask for?"

Panoorin ang buo niyang panayam sa video sa itaas. – Jamil Santos/RC, GMA News