Matapos ang mga dinaanang pagsubok, natupad na rin ang pangarap ni Super Tekla na magkaroon ng sariling bahay.

Sa "Donekla in Tandem" na vlog, ipinasilip nina Tekla at Donita Nose ang bagong bahay na nabili ni Tekla, matapos na pumirma ang Kapuso comedian ng mga kaukulang dokumento at makuha ang susi nito.

"Pinag-isipan, pinagdasal, pinangarap," sabi ni Tekla. "Kasi one day, alam ko lahat tayo ay magre-retire, lahat tayo ay mamamahinga sa gagalawan natin. At least meron tayong tahanang uuwian."

Bare pa ang bagong bahay nang pasyalin nila ito, at nagplano naman si Tekla para sa renovation at pagpapaganda na gusto niyang mangyari.

"Hindi ko inakalang magkakaroon ako ng ganito. Sabi ko, 'darating kung darating.' Tiwala lang po talaga tayo sa Diyos. Samahan ng sipag, tiyaga at disiplina, hindi imposible na hindi kayo magkakaroon ng ganito," sabi ni Tekla.

Ang isa pang masayang anunsyo, inilahad din nina Tekla at Donita na magkapitbahay lang sila, at mga walong bahay lang ang kanilang pagitan.

"Sobrang dream come true ang magkaroon ng dream house. Nakakataba ng puso, nakaka-inspire dahil despite sa mga pinagdaanang hirap, kagipitan, kakulangan, pandemic, lahat, kung anu-anong nangyari," ani Tekla.

Payo ni Tekla sa kanilang viewers: "But still 'yung faith mo kay God kapag nagtiwala ka at may isa kang bagay na gustong marating sa buhay, basta sipagan mo lang, pursigido kang mangarap, matutupad lahat 'yan." – Jamil Santos/RC, GMA News