Kahit tigasin sa kaniyang mga karakter, ubod naman nang lambot sa paggiling si Gardo Versoza sa kaniyang TikTok videos kahit pa naka-heels.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng aktor na nagsimula ang paggawa niya ng videos sa Tiktok bilang bonding time nila ng kaniyang misis noong magkaroon ng community quarantine.

Mula sa simplrng pagsasayaw, gumamit na rin ng heels si Gardo.

"Sabi ko parang kailangan lumevel up so hanggang sa napunta sa stiletto, hanggang 'yung ngayon kumbaga 'yung parang platform na tapos mga eight inches na siya," anang aktor na mapapanood sa "First Yaya."

Dumami na raw ang kaniyang heels collection na regalo ng kaniyang asawa.

"Palagay ko babae ako sa past life e," natatawang sabi ni Gardo.

Ikinuwento rin ni Gardo na nagsimula ang pagtawag sa kaniya na "Cupcake," dahil sa GMA series na "Kung Mahawi Man Ang Ulap."

"Cupcake came up, and 'yun, from then on nag-stick na sa akin, hanggang sa kahit off cam na, Cupcake na," paliwanag niya.

Nakakatulong daw kay Gardo ang kaniyang pagti-TikTok para makapaghatid ng saya ngayong may pandemic.

"Kung nag-e-enjoy 'yung mga nakakapanood, like for me nakakatulong din siya na pampagpag," anang aktor. —FRJ, GMA News