Inihayag ni Shaira Diaz na nananatiling matatag ang relasyon nila ni EA Guzman, at nakikita niyang mahaba pa ang kanilang pagsasamahan.

Gaganap si Shaira bilang isang "runaway bride" sa pinakabagong episode ng "I Can See You."

Pero taliwas sa kaniyang role, hindi niya nakikitang "tatakbo siyang papalayo" kay EA sa kanilang relasyon balang araw.

“Ang dami na namin pinagdaanan, madami nang pinagsamahan so hindi ako [magiging] runaway bride sa kaniya kasi masaya ako sa tao, mahal ko 'yung tao," sabi ni Shaira sa isang online interview.

Sinabi ni Shaira na bagama't napag-uusapan na nila ang paglalagay sa tahimik, gusto pa muna niyang unahin ang kaniyang mga pangarap para sa kaniyang pamilya.

“Alam kong medyo matagal pa kasi gusto ko pang matapos sa pag-aaral ko eh. Vocal naman ako sa kaniya do'n and marami pa akong goals," saad ng Kapuso actress.

Para kay Shaira, sagrado ang pagpapakasal at dapat pinagpaplanuhang maigi bago ito desisyunan.

“Gusto ko siguradong-sigurado ako and ayoko nung pabigla-bigla lang dahil ayoko magpadala sa mga pressure sa paligid ko," saad niya.

Dagdag pa ni Shaira, "“Grabe ko siyang pahalagahan and malaki siyang factor sa relasyon namin ni EA."

Ipinagdiwang nina Shaira at EA ang kanilang ikawalong anibersaryo bilang couple nitong Pebrero.

Bibida si Shaira bilang si Raki sa “On My Way To You” episode kasama si Ruru Madrid, na gaganap bilang si Jerrick, isang groom na iniwan sa altar ng kaniyang bride.

Nakatakdang mag-premiere ang “On My Way To You” sa Marso 22.--FRJ, GMA News