Nag-trending sa Twitter at inabangan ang pilot episode ng "First Yaya" nitong Lunes na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez. Kung maging yaya ang cast members ng serye, sino sa kanilang co-stars ang nais nilang pagsilbihan?

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nag-timeout sa taping ang cast ng "First Yaya" para sama-samang panoorin ang kanilang pilot episode.

Ipinakilala na ang role ni Sanya na si Yaya Melody, isang OFW sa Mediterranean region na nakilala ang noo'y Vice President pa lang na si Glen Acosta, na ginagampanan ni Gabby.

Maliban sa mga masasayang tagpo, may mga madrama ring pangyayari sa buhay ni Melody, na inilarawan ng viewers at netizens na "whirlwind of emotions."

Nag-trend naman sa Twitter Philippines ang #MeetTheFirstYaya.

Kung maging yaya kaya ang cast ng serye, sino kaya sa kanilang co-stars ang gusto nilang alagaan?

Si Glenda Garcia, gustong-gusto na maging yaya ni Gabby.

"Hanggang ngayon napakaguwapo tapos napakabait pa at napakaalaga pa niya. Alam mo na kapag ikaw naging yaya niya parang hindi ka niya ituturing na yaya," sabi ni Glenda.

Si Cai Cortez na gumaganap bilang si Norma na kapwa yaya ni Melody sa Palasyo, gustong maging amo ang beauty queen na si Thia Thomalla.

"Lagi po kasing nakain 'yan. Napakaseksi po pero lagi pong nakain so doon po tayo sa madaming pagkain," sabi ni Cai.

Si Kakai Bautista naman, na gumaganap sa karakter ni Pepita, gustong maging yaya ng beteranang aktres na si Pilar Pilapil.

"Kasi alam kong mapapatawa ko siya. Mabe-break ko 'yung pagkastrikta, 'yung ganu'ng impression. Kasi masarap siyang kasama si Tita Pilar," ayon kay Kakai.

Kung si Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina ang tatanungin, gusto niyang maging yaya ni Kakai.

"Mas maraming tawa. Gusto kong maranasang maging yaya niya. Ang saya niya lagi," sabi ni Maxine.

Pero nang ihayag ni Joaquin Domagoso nang gusto niyang maging 'yayo' ng ka-love team niyang si Cassy Legaspi, umani ito ng tukso.

"Para lagi ko siyang kasama. Para ako gagawa ng pagkain niya, magpapagising sa kaniya..." sabi ni Joaquin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News