Gumanap bilang isang lalaki na mamahalin ng isang sireno, inihayag ni Yasser Marta na hindi siya naiilang na gumanap sa mga Boys' Love o gay-themed na mga role.

"Ayun nga 'yung iniisip din ng ibang tao, na wala pa silang idea. Nu'ng nagsimula talaga ako sa GMA 'yung mga roles ko talaga ... puro bakla eh, so nakapag-play na rin ako ng transgender, nakapag-play na rin ako ng closet gay," sabi ni Yasser sa At Home with GMA Regional TV.

"So hindi na rin ganoon kabago sa akin, hindi na rin ako nailang sa project na ito," dagdag niya.

Co-star ni Yasser si Alex Diaz sa episode ng My Fantastic Pag-ibig na pinamagatang “Fairy Tail Romance.”

Gumaganap si Yasser bilang si Nep, isang tao na magiging sentro ng atraksyon ni Lantis—isang merman na ginagampanan ni Alex.

"Siguro 'yung bagong challenge lang din, 'yung may pagka-fantasy doon sa project. Kasi dito sa My Fantastic Pag-ibig 'yun lang 'yung first time kong nagawa, hindi pa ako masyadong sanay sa fantasy," sabi ni Yasser.

"Pero sa Boys Love, sa LGBT community o sa project na ito, wala namang problema and open naman ako sa ganoon," dagdag ng aktor. – Jamil Santos/RC, GMA News