Ikinatuwa ni Rocco Nacino na suportado siya ng asawang si Melissa Gohing na makatrabaho niya ang kaniyang ex-girlfriend na si Lovi Poe para sa Kapuso series na "Owe My Love."

"Siya mismo 'yung nagsabi sa akin na 'Ituloy mo na 'yan kasi magandang trabaho.' Ikinuwento ko sa kaniya 'yung role. She was excited for me, sa totoo lang, and I was really surprised," sabi ni Rocco sa Kapuso Showbiz News.

"Nakita ko 'yung suporta na meron 'yung asawa ko para sa akin. It actually made me feel excited to work with them, na uy haharap ulit ako sa karakter, nakita rin niya na nagbabasa ako ng script and natutuwa siya," dagdag ng aktor.

Para kay Rocco, isang malaking bagay na may taong sumusuporta sa kaniya sa lahat ng bagay.

"I mean, iba 'yung assurance niya nang kasal kayo. It doesn't have anything to be worried about because masaya na ang lahat eh."

Naging magkasintahan sina Rocco at Lovi ng dalawang taon bago sila maghiwalay noong 2016.

Ikinasal sina Rocco at Melissa nitong Enero, habang nasa long-distance relationship naman si Lovi sa kaniyang British boyfriend na si Montgomery Blencowe.

"The fact that she doesn't have reservations with me working with an ex, napakalaking bagay. With that conversation that we had, tumaas talaga 'yung respeto ko sa kaniya," sabi ni Rocco tungkol kay Melissa.

Gaganap si Rocco bilang si Dr. Kenneth Paul sa “Owe My Love” na magbibigay ng conflict sa mga buhay nina Sensen Guipit (Lovi) at Dr. Migs Alcancia (Benjamin Alves).  —LBG, GMA News