Nagkuwento si 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo tungkol sa isang Hollywood film na posibleng gawin sa Pilipinas.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, ibinahagi ni Rabiya ang kuwentuhan nila ng Hollywood director na si Noah Nowrasteh tungkol sa isang pelikula na plano nitong gawin sa Pilipinas.

Sa naturang pagkikita at kuwentuhan nila ni Nowrasteh, ipinost ni Rabiya ang larawan sa Instagram nitong nakaraang buwan.

"May mga napag-usapan po kaming project during that time. They were planning to shoot something dito sa Philippines at naghahanap sila ng lead role na babae," ayon kay Rabiya.

"Nilatag na po nila yung storyline kung ano yung possible na role ko. Pero nothing is for sure. Pero hopefully, sana malay natin yung first movie ko Hollywood movie," masaya niyang sabi.

Matatandaan na nagtungo sa Amerika si Rabiya nang sumabak sa Miss Universe pageant na ginawa sa Florida noong Mayo.

Pagkaraan ng kompetisyon, nanatili sa US si Rabiya para magbakasyon at mamasyan bago umuwi ng bansa nitong Hulyo.--FRJ, GMA News