Inilahad ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na sa lahat ng beauty queens na kaniyang iniidolo, si Megan Young ang kaniyang "queen-spiration."

Sa GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, hiningan ng reaksyon si Rabiya tungkol sa napapansin ng netizens na "ka-look alike" niya sina Shamcey Supsup, Sanya Lopez, at Megan Young.

"Nakakatuwa po. Kasi dati, before ako maging Miss Universe Philippines, napapanood ko sila sa TV, Nakikita ko na talaga sila. And ngayon sinasabi ng mga tao na may resemblance," sabi ni Rabiya.

"Actually, si Megan Young, siya talaga 'yung queen-spiration ko. Siya talaga 'yung pinaka-ina-idolize ko sa lahat ng mga Miss Philippines natin. Kaya nakakatuwa po," dagdag ng beauty queen.

Si Megan ang kauna-unahang Pilipina na nanalo bilang Miss World noong 2013.

Nakabalik na si Rabiya sa Pilipinas matapos kumatawan sa Pilipinas para sa Miss Universe pageant na ginanap sa Florida nitong Mayo.

Ayon kay Rabiya, inimbitahan sila ng iba't ibang Filipino communities sa U.S. kaya nakabisita siya sa 14 na siyudad sa limang states doon.

"Nakakatuwa, nakakataba talaga ng puso," anang beauty queen.

Sa interview, nagkuwento rin si Rabiya tungkol sa isyu sa kaniyang national costume, at ang encounter niya sa Hollywood director na si Noah Nowrasteh.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News