Inihayag ng batikang aktor na si Christopher 'Boyet' de Leon ang pagkatuwa niya kay Thou Reyes, na kasama niya sa  anniversary episode ng "Wish Ko Lang."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bading na fashion designer ang role na gagampanan niya sa "Wish Ko Lang."

Hindi raw nagdalawang-isip si Boyet na tanggapin ang proyekto dahil sa ganda ng istorya at batid niyang mag-e-enjoy siya sa kaniyang role.

Kuwento ng aktor, may aampunin na batang lalaki ang kaniyang karakter at papalalakihin na parang anak nang walang halong malisya.

Naging masaya rin daw pakikipagtrabaho ni Boyet sa kaniyang co-stars lalo na kay Thou, na napanood noon sa hit primetime series na "First Yaya"

"Siya yung cross-dresser kaya natutuwa ako," masayang kuwento ni Boyet. "Ang laki-laki niya tapos ano nakadamit babae siya talaga...naka -wig siya, lipstick and all that."

Para sa naturang episode, may original theme song pa na ginawa na may titulong "Kakayanin Ba?" at inawit ni Jennifer Maravilla.

Matapos gawin ang naturang episode ng "Wish Ko Lang" na napapanood tuwing Sabado, nasa hotel quarantine na si Boyet bilang paghahanda sa lock-in taping ng upcoming series na "Lolong." --FRJ, GMA News