Sinabi ni Xian Lim na iba ang nararamdaman niyang excitement ngayong naghahanda na siya sa upcoming Kapuso series na "Love. Die. Repeat."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nasa hotel quarantine na ngayon si Xian kasama ang iba pa niyang co-stars sa nasabing series.

"Sa duration ng 10-day quarantine namin, we are also script reading, line reading, doing online workshops with direk Irene (Villamor) and our acting coach, si Jake Cruz. I think busy na busy ang utak namin sa 10-day quarantine na ito," sabi ng bagong Kapuso actor.

Ayon kay Xian, gustong gusto niya ang karakter niyang si Bernard dahil sa masalimuot na ugali at pagkatao nito.

"Sa journey ng character ko at sa mga mapapanood nila, roller-coaster of emotions ang pagdadaanan ni Bernard, the character I'm gonna be playing. And Miss Jennylyn's character which is Angela. Maghanda lang sila sa mararamdaman nila habang pinanonood nila 'yung teleserye," ani Xian patungkol kay Jennylyn Mercado.

Sinabi pa ni Xian na nabitin siya dahil hindi pa rin sila nagkaroon ng pagkakataong magkausap-usap kahit nagkaharap-harap na sila ng mga kasama niyang artista sa pagpasok sa hotel quarantine.

"Na-meet ko na silang lahat, pero sobrang bilis lang. And diretso kasi kami sa kwarto after naming ma-swab, after naming pumunta sa clinic. Wala nang time para magkuwentuhan, mag-catch up. So sabi nila 'After the 10-day quarantine, pagkatapos na lang.'"

Labis naman ang pasasalamat ni Xian matapos siyang mainit na tanggapin ng mga kapwa artista at fans pagkatapos niyang ipahayag sa 24 Oras na Kapuso na siya.

"Every one na nag-e-express ng good words and positive feedback, nakakatuwa. Even ako sa social media accounts ko ang dami ko ring nababasa sa Twitter, ang dami ko ring nababasa sa direct messages ko na they are warmly welcoming me sa Kapuso Network. I'm just really happy and overwhelmed with joy talaga," sabi ni Xian.--Jamil Santos/FRJ, GMA News