Nag-alok si Neri Miranda na sagutin ang reception, cake at accessories ng isang bagong kasal na na-scam ng kinuha nilang wedding coordinator sa Minglanilla, Cebu.

Sa kaniyang Instagram, pinost ni Neri ang balita ng pag-iyak ng bride nang madatnan nila sa venue na hindi naka-book ang kanilang reception at wala ring inihandang pagkain para sa kanila at sa kanilang mga guest.

"Bilang naging bride din ako, ang pinaka ayaw natin ay mastress sa mismong kasal natin. Kahit lahat ng tao sa paligid natin, di tayo dapat binibigyan ng stress," caption ni Neri.

Dahil dito, inalok ni Neri na ang kaniyang team na ang sumagot sa reception ng mag-asawa.

"Kung sino po ang nakakakilala sa bride, pakisabi po, message po ako or my partner @jonahcbautista. Kami na bahala sa reception niya. Malapit lang naman ang @jejusamgyupsal sa lugar nila. Dun na natin ganapin ang reception nyo. Since mahigpit po ang dine in pa rin, mga 20 pax po ang kakasya sa Jeju Samgyupsal Resto po namin sa Cebu," sabi ng aktres.

"Sagot na rin po namin ang cake, may emcee ka na rin po para may program po ang reception nyo," dagdag ni Neri, na inalukan din ang bride ng accessories.

Nagpahabol din ang kaibigan ni Neri na sasagutin nito ang tokens para sa guests.

"Wala kayong gagastusin mag-asawa. Kami na bahala. May pa-pocket money kami sa inyo kahit papaano. 'Wag ka nang umiyak. Kami na bahala sa inyo. ?" ani Neri.

Ayon sa mag-asawa, binayaran nila ng P65,000 ang buong wedding package, kasama na ang arrangement para sa reception.

Ikinasal ang couple sa San Roque Parish Church sa Lipata, Minglanilla sa Cebu noong Miyerkoles ng hapon. —LBG, GMA News