Inihayag ni Andrea Torres na handa na siyang makipag-kilala sa iba matapos ang hiwalayan nila ni Derek Ramsay noong 2020.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Andrea na lumalabas-labas na siya bago pa ang huling deklara ng ECQ o enhanced community quarantine.

"Yes! Actually nag-start na ko bago yung last EQC...naudlot lang," matatawang sagot ni Andrea nang tanungin kung handa na siyang makipagkilala sa iba.

“Bago mag-last ECQ, lumalabas-labas na rin ako. Open na ’ko to meet other people,” kuwento niya. "Pero 'yon nung nag-lockdown ulit, nag-stop muna siya safety first."

Sinabi  rin ni Andrea, na mahalaga ang pagpapatawad na bahagi ng pagmo-move on.

“’Di kailangan sabihin ng tao na ‘sorry’ para patawarin mo siya. Nanggagaling ’yon sa heart. Choice mo nang i-let go,” saad niya.

Nobyembre 2020 nang ihayag ni Andrea ang paghihiwalay nila ni Derek, na ngayon ay engaged na kay Ellen Adarna. – FRJ, GMA News