Inakala ni Herlene "Hipon Girl" na suplado si Jak Roberto dahil hindi siya umano binati nito sa kaniyang debut, pero nag-iba ang kaniyang pananaw nang makilala na niya ang aktor nang personal.

"Kasi dati chinat ko siya 2017 sa Instagram, sabi ko 'Kuya pa-video greet naman, mag-18 na ako, magde-debut na ako, batiin mo ako, crush na crush kita,'" kuwento ni Herlene sa Mars Pa More.

Gayunman, hindi umano napansin ni Jak ang kaniyang mensahe.

"Tapos hanggang sa, hindi na kita crush kasi 22 na ako ngayon, hanggang ngayon hindi pa ako binabati eh," sabi ni Herlene.

Hanggang sa magkita at magkausap na nang personal sina Herlene at Jak sa GMA Network.

"Hindi pa ako binabati, sabi ko sa kaniya 'Kuya ano, kamusta na? 22 na ako, tingnan mo naman, follow back mo naman ako kuya," ani Herlene.

"Tapos noong nakita niya, nagulat siya sabi niya sa akin 'Hala oo nga! Ang cute mo naman!' Ngayon ang sabi niya sa akin, may bati na siya sa akin. Mabait pala siya in person, akala ko suplado," dagdag pa niya.

"Sa dami lang daw pala ng [message], natabunan," paliwanag daw ni Jak kay Herlene.

Magkakasama sina Jak at Herlene sa drama-anthology series "Stories from the Heart: Never Say Goodbye."

Co-stars din nila sina Klea Pineda, Lauren Young, Snooky Serna at Luke Conde. —LBG, GMA News