Matapos ang hiwalayan nila noong Mayo, inihayag ni Jennica Garcia na nag-uusap na silang muli ng kaniyang estranged husband na si Alwyn Uytingco.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng Kapuso actress na nagpag-uusapan nila ni Alwyn sa posibilidad na magbalikan sila.

“I am very thankful to Jesus because he heard my prayers. He gave me what I was waiting for—Alwyn to come back for us,” ayon kay Jennica.

“He expressed his desire for family restoration,” dagdag ni Jennica namapapanood sa upcoming episode ng "Wish Ko Lang" kasama sina Rafael Rosell at Sheree.

Una nang nilinaw ni Jennica na hindi pera ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. Hindi rin niya nais na magmukhang masama ang kaniyang dating asawa.

Sa nagdaang Instagram posts, humingi naman ng paumanhin si Alwyn kay Jennica. Inamin din niyang nami-miss niya ang kanilang anak na sina Athena Mori at Alessi.

Ikinasal sina Jennica at Alwyn noong Pebrero 2014.

– FRJ, GMA News