Nagpapakatatag ang Kapuso actress na si Jo Berry matapos na magkakasunod na pumanaw kamakailan ang kaniyang ama, kapatid at lolo.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing kabila ng mga nangyari ay pinili ni Jo na maging positibo sa buhay.

“’Di naman na siguro ako magiging okay kagaya nung dati kasi may mga nawala na sa ’kin and parte ’yon ng buhay. Lahat tayo pagdadaanan ’yung gano’n. Siguro sa iba’t-ibang way lang,” pahayag ni Jo, na bibida sa “Little Princess.”

“Ngayon, ako, imbes na nagpapakalungkot ako, mas pinipili ko na gamitin ’yon para mas maka-move forward ako with life,” patuloy niya.

Sinisikap din ni Jo na gawin busy ang sarili sa trabaho tulad ng lock-in taping sa “Little Princess.”

“’Yon talaga sinasabi nila sa ’kin bago sila umuwi sa heaven. Ituloy ko pa rin kasi alam nila na masaya ako rito. Masaya ako sa ginagawa ko,” saad niya.

Nakaka-relate daw si Jo sa kaniyang karakter dahil tinatawag din siya ng kaniyang ama na “princess.”

Tulad niya, mahal ng kaniyang karakter na si Princess ang kaniyang pamilya at nais na abutin ang pangarap.

“Ever since bata pa ako, ’di ko naman nakikita yung sarili ko na little person,” sabi ni Jo. “Laging ang taas ng pangarap ko.”

Kasama ni Jo sa "Little Princess" sina Rodjun Cruz, Juancho Triviño, at Angelika Dela Cruz. – FRJ, GMA News