Ipinakita nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado ang simple pero intimate na marriage proposal ng dalawa sa kanilang bahay.

Kasunod ng pag-anunsyo nina Dennis at Jennylyn na engaged na sila at magkakaroon na ng baby, ibinahagi rin ng dalawa sa kanilang YouTube vlog ang ilang tagpo sa surprise proposal ng aktor sa kaniyang nobya.

Sa simula ng video, inakala ni Jennylyn na gagawa lang sila ni Dennis ng shoot para sa kanilang “future selves.”

ADVERTISEMENT

Pero habang tumatagal, nagiging seryoso na ang kanilang pag-uusap tungkol sa kanilang relasyon, at nagpasalamat ang aktor na bumalik sa buhay niya si Jennylyn.

“Ikaw lang ang gusto ko makasama, ikaw at ’yung bagong addition sa pamilya natin,” sabi ni Dennis sa lumuluhang si Jennylyn.

Kasunod nito ang pagluhod ni Dennis at pagkuha ng singsing sa bulsa niya, at pagbukas ng pinto na may nakalagay na “Marry Me” sa likuran.

“Bakit may ganyan?” natatawang sabi ng aktres.

Ginawa ng Kapuso couple ang big revelation tungkol sa kanilang relasyon sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes.

Inilahad din ni Jennylyn na dalawang buwan na ang nakalilipas nang magsimula niyang maramdaman ang mga sintomas ng kaniyang pagbubuntis.--FRJ, GMA News