Aabangan ang banggaan ng mga karakter nina Dennis Trillo at Alden Richards sa upcoming series na "Pulang Araw." Si Dennis, excited sa kaniyang role bilang kontrabida.

“Matagal ko na rin hinihintay itong ganitong klaseng project, ganitong kabigat na character ngayon naman as a kontrabida," sabi ni Dennis sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkules.

ADVERTISEMENT

Gaganap si Dennis sa "Pulang Lupa" bilang isang malupit na sundalong Hapon na magpapahirap sa karakter ng mga bida, kabilang si Alden.

Bukod kay Alden, kasama rin sa series si Sanya Lopez, at mga nakatrabaho niya sa "Maria Clara at Ibarra," na sina Barbie Forteza at David Licauco.

Sinabi ni Dennis na excited siyang maka-eksena si Alden na hindi pa niya nakakatrabaho sa isang drama project.

“Excited akong magkaroon kami ng eksena ni Alden, syempre, siya 'yung hindi ko pa talaga nakaka-eksena sa mga ganitong drama, ganun. Nakatrabaho ko siya sa mga variety shows, pero, ayun excited ako doon, paghahandaan ko ang eksena na 'yon,” sabi ni Dennis sa hiwalay na ulat ng 24 Oras nitong Martes.

“Siyempre excited akong ma-reunite kay David at Barbie, kay Sanya, nakatrabaho ko na rin dati,” dagdag pa niya.-- FRJ, GMA Integrated News