Lumipad na si Marian Rivera patungong Israel para sa Miss Universe pageant, kung saan isa siya sa mga hurado. Kasama niya rin sa flight ang kaniyang asawang si Dingdong Dantes.

Ito ang ibinahagi ni Marian sa kaniyang Instagram stories nitong Lunes, kung saan makikitang magkasama sila ni Dingdong sa eroplano.

Hindi naman idinetalye ni Marian kung sasamahan siya ni Dingdong sa buong trip.

Bahagi si Marian ng selection committee para sa ika-70 na Miss Universe ngayong taon, na gaganapin na nitong Disyembre.

ALAMIN: Marian Rivera, ano kaya ang hinahanap sa isang beauty queen?

Sa isang panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, tinanong si Marian kung anong katangian ang hinahanap niya sa isang kandidata.

"Ayaw kong sabihin na may hinahanap ako, pero mas excited ako na pumunta doon para mas ma-appreciate ko at masaksihan ang mga kagandahan ng mga kababaihan sa iba't ibang panig ng mundo," paliwanag ng aktres.

"Siguro, hindi lang 'yung kagadandahan nila, kung hindi siguro 'yung tapang din nila na maibalik ang humanity sa ating mundo sa kabila ng mga radikal na pagbabago na nangyari sa atin dahil sa pandemya," dagdag ni Marian.

Inaasahang magiging bahagi si Marian ng iba't ibang pageant activities bago ang coronation night sa Disyembre 12.

Sa isang press reveal nitong Biyernes, sinabi ni Kapuso Primetime Queen na ikinararangal niyang mabigyan ng isang bihirang pagkakataon, at excited na siyang kilalanin ang Miss Universe hopefuls.--Jamil Santos/FRJ, GMA News