Ipinakita na ang teaser ng inaabangang sitcom ni John Lloyd Cruz na pinamagatang "Happy ToGetHer" sa Kapuso Network.

Sa 30-second clip na teaser, makikita rin na bahagi ng sitcom sina Miles Ocampo at Carmi Martin, na tila miyembro ng pamilya ng karakter ni John Lloyd.

Kasama rin sina Jayson Gainza, Ashley Rivera at si Jenzel Angeles.

Makikita rin sa background ang car shop na setting ng kuwento.

"First time kong magpakilala ng girlfriend sa pamilya kaya medyo kabado," sabi ng nakangiting si John Lloyd.

Hindi rin nawala ang pagpapakilig ni Lloydie sa mga linya niyang "Muntik ka nang ma-fall" at "Gusto mo lang akong maka-date, 'no?"

Wala pang inilalabas na detalye tungkol sa mga pangalan ng kanilang mga karakter.

Pero sino kaya ang girlfriend na ipapakilala ng karakter ni John Lloyd? Abangan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News