Challenging pero nag-e-enjoy daw si David Licauco sa kaniyang dramatic scenes sa Kapuso series na "Mano Po Legacy: The Family Fortune."
Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, umaasa umano si David na magiging daan ang naturang proyekto para makilala siya bilang isang seryosong aktor.
"'Yung 'Mano Po,' marami talagang nanonood eh. Wider ang audience talaga niya. I believe na mag-o-open siya ng doors for me when it comes to getting projects na mas mahirap," pahayag ni David.
Hindi rin daw inasahan ni David na makakaya niya ang mga heavy drama scenes.
"To my surprise sa sarili ko, na-e-enjoy ko talaga 'yung dramatic scenes. Hindi ko talaga in-expect sa sarili ko. Hindi ko in-expect na kaya ko. Mas nagulat ako na na-enjoy ko siya," ayon sa aktor.
Hangad din ni David na magkakaroon siya ng mga proyekto ng may drama at kilig tulad ng mga ginagawa ni John Lloyd Cruz.
"Siguro if you asked me a year ago, I would say gusto kong maging [aktor na] kinakakiligan, Okay pa rin naman sa akin 'yun, pero siguro gusto ko rin magkaroon ng mga parang John Lloyd Cruz type of teleserye or movie na romantic but at the same time, maraming drama," paliwanag niya.
Ginagampanan ni David sa "Mano Po Legacy: The Family Fortune" ang role bilang si Anton Chan, ang reluctant na tagapagmana.
Natutuwa si David sa natatanggap na magagandang feedback tungkol sa pagganap niya bilang si Anton, na magiging malapit sa karakter na ginagampanan ni Barbie Forteza.
Napapanood ang "Mano Po Legacy: The Family Fortune," mula Lunes hanggang Biyernes, 9:35 pm sa GMA Telebabad. --FRJ, GMA News
