Masayang ikinuwento ng Kapuso actress na si Vaness del Moral ang pagbabago sa kaniyang buhay mula nang magkaroon ng baby.

"Oh my God! Nag-'360 [degrees]' yung buhay namin sa bahay," sabi ni Vaness sa panayam ng GMA Regional TV Early Edition.

"Tama nga yung sabi nila, having a baby requires a lot of time and attentions. So lahat ng time and attention napunta kay [baby] Ellie," patuloy niya.

Pero sa kabila ng lahat, ayon kay Vaness, "Pero masaya at masarap sa pakiramdam."

Mayo 26 nitong nakaraang taon nang isilang ni Vaness ang first baby nila ng kaniyang kabiyak na si Matt Kier.

ADVERTISEMENT

Samantala, nakilala bilang mahusay na kontrabida sa mga proyekto si Vaness kaya tinanong ang aktres kung sino talaga siya sa tunay na buhay o sa likod ng camera.

"Maldidata ako. Joke lang!," natatawang sabi ni Vaness.

"Pero ang description sa akin ng iba is bubbly ako...makulit ako actually. Alam kong sobra akong makulit na tao," kuwento niya.

Sinabi  rin ni Vaness na isa siyang home buddy person kaya walang problema sa kaniya ang mag-quarantine.

"Kaya kong mag-stay sa loob ng bahay nang kahit gaano katagal. So yung mga hotel quarantine, sisiw lang sa akin yung mga ganyan," saad niya.

Kabilang si Vaness sa apat na babaeng bibida sa upcoming Kapuso suspense-thriller series na "Widow's Web."

Ayon kay Vaness, magugulo ang buhay ng apat na babae dahil sa misteryosong pagkamatay ng isang lalaki.

Ang tatlo pang babae na tinutukoy ni Vaness ay sina Carmina Villaroel, Ashley Ortega at Pauline Mendoza.

Kabilang din sa "Widows' Web" sina Adrian Alandy, EA Guzman, Christian Vasquez, Allan Paule, Tanya Gomez, Arthur Solinap, at si Ryan Eigenmann, na special guest bilang si Alexander Sagrado III, ang lalaking misteryosong papaslangin.

--FRJ, GMA News