Kasama na si Angelica Panganiban sa mga buntis na celebrity ngayong taon ng 2022.
Nitong Linggo, ibinahagi ng aktres sa Instagram na magkakaroon na sila ng baby ng kaniyang non-showbiz partner na si Gregg Homan.
Sa isang larawan, ipinakita ni Angelica sonogram image ng kanilang magiging baby habang nasa beach sila ni Gregg.
"Ay! Na post!!" saad ni Angelica sa caption na may emoji ng babaeng buntis.
May video si Angelica ng kaniyang ultrasound, at larawan nila ni Greg sa beach habang hawak ang kanilang baby bump.
Sa caption, inihayag ni Angelica ang labis na kasiyahan dahil mararanasan na niya ang pinamahagang "papel" na gagampanan niya sa kaniyang buhay--ang maging isang ina.
"Sa wakas!!! Magagampanan ko na rin ang pinaka hihintay, at pinaka importanteng papel ng buhay ko. Magiging ganap na INA na po ako," ayon sa aktres.
May biro pang pahabal si Angelica, "Opo, may matres ako mga baklaaah!"
"[I]pagpapasalamat ko na rin ang mga kapamilya, kaibigan, at mga marites na sumuporta, nagdiwang, nagdasal at patuloy na nagdadasal para sa pamilya namin," dagdag niya.
"Waaaaaah! Huhuhu may pamilya na ko kaiyaq(k) pramis," sabi pa ni Angelica.
Dinagsa ng pagbati mula sa followers at mga kasamahan sa industriya si Angelica.
Ilan sa mga celebrity ang buntis ngayon ay sina Jennylyn Mercado, Winwyn Marquez, Dimples Romana, Sandra Lemonon, KitKat, at Arny Ross.--FRJ, GMA News

