Nilinaw ni Ana Jalandoni na walang "third party" na sangkot sa nangyaring pananakit umano sa kaniya ng nobyong si Kit Thompson.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi umano ni Ana na pinag-usapan nila ng nobyo ang tungkol sa planong pagpapakasal nang mag-check in sila sa isang hotel sa Tagaytay noong March 17.
Pero nauwi raw sa away ang kanilang pag-uusap nang maungkat ang mga dati niyang nakarelasyon.
Pinagbantaan umano siya ni Kit na papatayin siya kapag iniwan niya ang aktor.
Matapos ang naturang pagtatalo, nakatulog daw si Ana. Pero nang magising siya, doon na raw siya sinimulang saktan ng aktor.
“Mahal ko pa rin siya, hindi naman po ‘yun ganun kadali mawala. Pero siyempre hindi ko deserve yung nangyari sa akin. Importante po sa akin is ipaglaban ko yung karapatan ko bilang babae,” ani Ana, na nagsabi rin na batid niya ang tungkol sa anger management issue ni Kit.
.
Pansamantalang nakalaya si Kit matapos na makapagpiyansa. Hindi pa siya nagbibigay ng pahayag tungkol sa naturang insidente.
Marso 18 nang arestuhin ng mga pulis si Kit sa Tagaytay dahil sa pagdetine at pananakit umano kay Ana.
Dinala sa ospital si Ana, habang sinampahan ng kaso si Kit ng paglabag sa RA 9262 o violence against women and children.
Una nang sinabi ni Ana, na itutuloy niya ang pagsasampa ng kaso laban sa nobyo. --FRJ, GMA News
