Kasalukuyan nang pinaghahandaan nina Glaiza de Castro at David Rainey ang kanilang kasal sa Pilipinas. Matapos nito, plano na rin kaya nilang magka-baby?

"Kailangan muna naming tapusin 'yung wedding dito. Wow! Baka after nu'n. Baka after nu'n pa-positive tayo," sabi ni Glaiza sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras."

"Darating tayo diyan, and I'm very excited to experience that. Alam ko napaka-fulfilling niyan," dagdag pa ng aktres.

Dati nang sinabi ni Glaiza na kasama sa plano nila ni David ang magkaroon ng mga anak pero nasa proseso pa raw sila ng "transitioning."

ADVERTISEMENT

"Medyo matagal-tagal pa po. Kasi we're still planning for our wedding here, saka 'di rin ganon kadali mag-settle," sabi na noon ng aktres.

"Medyo mahaba-haba pang time 'yung kailangan namin for transitioning," dagdag ni Glaiza.

Masayang ibinahagi ni Glaiza ang highlight ng kaniyang United Kingdom trip kasama si David.

Nilibot nila ang mga magagandang tanawin sa Northern Ireland, iba't ibang museo sa London, at dumalo rin sila sa kasal ng kakambal ni David.

"Hindi kami tipong namasyal lang. Talagang time ito for his family, to visit them and to bond with them," sabi ni Glaiza.

Sinabi pa niya na surreal sa pakiramdam kapag tinatawag na siyang Mrs. Rainey.

Masaya rin si Glaiza dahil napaka-supportive ng pamilya ni David, at sabay-sabay na pinanonood ang pinagbibidahan niyang "False Positive." —Jamil Santos/VBL, GMA News