Binalikan nina Gabbi Garcia at Khalil Ramos kung paano sila nagsimula sa pagiging "stranger" hanggang sa umusbong ang kanilang pagmamahalan na limang taon na ngayon. Sino nga ba ang gumawa ng "first move" sa dalawa?

"Actually siya 'yung first move," biro ni Khalil tungkol kay Gabbi sa kanilang guesting sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles.

Ayon kay Khalil, hindi pa agad sila nagka-developan ni Gabbi.

"Ang pinakaunang beses kaming nagkakilala, sa isang party, 2015 pa. After nu'n hindi pa naging kami, we didn't start dating yet," anang Kapuso actor.

"Two years after pa... After two years ako naman 'yung unang nag-hi sa kaniya. And then doon na, tuloy-tuloy na," kuwento naman ni Gabbi.

"Parehas lang kami may first move... Hinintay niya ako ng two years," muling biro ni Khalil.

Nagbahagi rin sina Gabbi at Khalil ng kanilang rules sa isa't isa bilang mag-boyfriend at girlfriend.

Ayon kay Gabbi, hindi nila hinihingi ang mga password ng isa't isa.

"We don't get each other's passwords. Like 'yung on purpose talaga na nagbigay ako ng password, siguro kapag kunwari emergency like kailangan mag-post na walang signal si Khalil. Pero we eventually forget each other's passwords," sabi ni Gabbi.

"Respect din sa privacy ng isa," dagdag pa ng aktres.

Hindi rin daw pinag-aawayan nina Gabbi at Khalil ang pagkokomento ng nobyo sa post ng ibang babae, dahil hindi naman ito ginagawa ni Khalil lalo na't hindi gaanong gumagamit ng social media ang aktor.

Si Khalil naman, hindi pinagbabawalan si Gabbi na magsuot ng revealing clothes.

"There isn't a rule, I guess. Ako sa kaniya, I always tell her you just whatever makes you feel comfortable, go! Just rock your outfit kung ano mang feel mo, what makes you happy," ani Khalil.

Magtatambalan sa unahang pagkakataon sina Gabbi at Khalil sa upcoming Kapuso series na "Love You Stranger" na ipalalabas na nitong Hunyo 6 sa GMA Network.--FRJ, GMA News