Patay ang isang 63-anyos na babae habang sugatan ang kaniyang 26-anyos na anak na babae matapos silang pagbabarilin ng hindi pa matukoy na salarin sa labas ng isang hotel sa Makati City Lunes ng gabi, ayon sa pulisya nitong Martes.

Batay sa ulat ng pulisya mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang nasawi bilang "Annie," habang sugatan ang kaniyang anak na kinilalang si "Ayanna," 26.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa insidente ng pamamaril bandang 6:55 p.m. at agad nagpadala ng mga imbestigador sa lugar ng pinangyarihan nito.

Natagpuan ng mga rumespondeng opisyal ang nakatihaya at wala nang buhay na katawan ni Annie malapit sa entrance ng hotel. Nagtamo siya ng tama ng baril sa ibabang parte ng kaniyang ilong.

Nagtamo naman si Ayanna ng tama ng baril sa mukha at isinugod ng ambulansya sa ospital.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bandang 6:46 p.m., naglalakad sina Annie at Ayanna sa Durban Street papunta sa hotel.

Habang nakatayo sila malapit sa kaliwang bahagi ng entrance ng hotel at tila naghihintay, lumapit ang isang hindi kilalang lalaki na nakasuot ng ball cap mula sa kabilang kalye at pinaputukan sila umano ng tatlong beses gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Matapos nito, tumakas ang suspek patungo sa Kalayaan Avenue.—Jamil Santos/LDF GMA News