Nasa last leg na ng taping at malapit nang matapos ang inaabangang live action series na "Voltes V: Legacy," ayon sa isa sa mga miyembro ng V team.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Radson Flores na gaganap bilang si Mark Gordon, na hindi pa rin siya makapaniwala na makasama sa naturang napakalaking proyekto ng GMA Network.

Ipinagmamalaki aniya ito ni Radson sa kaniyang career sa showbiz.

"We are on our last leg na po ng taping. Malapit na po talaga kaming matapos. So far it's been a very smooth ride," sabi ni Radson.

Bilang paghahanda, sumailalim si Mark sa horseback riding lessons para sa role niya bilang isang rodeo champion.

"Kailangan, kumabaga parang sumasayaw kayo ng kabayo. Kailangan hindi kayo magkakatapakan ng paa, same kayo ng rhythm, momentum, and then balance," ani Radson.

Ayon kay Radson, may pagkakatulad siya sa kaniyang karakter na si Mark dahil pareho silang introvert.

"I'll make sure na I'll stick into 'yung character na si Mark, 'yung naaalala niyong masungit, na mahilig sa mga kabayo, pero focused pa rin sa pag-save sa Earth." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News