Ngayon na dalaga na, nais ni Ryzza Mae Dizon na magkaroon ng bagong screen name bilang si Mae Dizon.

Sa isang episode ng “Eat Bulaga,” tinanong ni Allan K. si Ryzza, na nakilala noon bilang si "Aling Maliit," kung nais ba niyang magkaroon ng ibang pangalan ngayong malaki na siya.

“Nakakapanibago pa ring tawagin kang Ryzza Mae Dizon kasi dalaga ka na. Kung ikaw ang pamimiliin ng bago mong pangalan ngayong dalaga ka na, anong gusto mong itawag na namin sa’yo?” sabi ni Allan.

Biro ni Jose Manalo, puwedeng tawagin si Ryzza Mae na “Manang,” pero ayaw ng dalaga.

“Dati ko pa po iniisip ’to kasi inaantay ko po talaga ’tong panahon na ’to. Gusto ko po tawagin na akong Mae Dizon,” ani Ryzza.

Tila inayunan naman ito ng mga dabarkads na sina Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, at Miles Ocampo, na napasayaw pa.

Pero ayon kay Ryan, kailangan pang aprubahan ang naturang mungkahi ni Ryzza Mae.

Pagkaraan ng dalawang taon mula nang magka-pandemic, muling nagbalik si Ryzza Mae sa studio ng “Eat Bulaga” noong May 28.

Ipagdiriwang ni Ryzza Mae ang kaniyang ika-17 kaarawan ngayon Hunyo.

Unang nakilala ng publiko si Ryzza Mae nang sumali siya sa Little Miss Philippines contest ng “Eat Bulaga,”  at nagkaroon ng sarili niyang TV talk show na “The Ryzza Mae Show.” – FRJ, GMA News