Sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, tinanong ang Kapuso host-actress na si Pokwang  kung may posibilidad ba na magkaroon sila ng second o kahit third chance ni Lee O’Brian.

Pero ayon kay Pokwang, na wala nang pag-asa pang magkabalikan sila ng dati niyang karelasyon matapos silang maghiwalay, pitong buwan na ang nakararaan.

“Hindi, wala eh, walang gano’n. Basta okay na, okay, okay, bye,” sabi ni Pokwang kay Nelson.

Ayon pa kay Pokwang, sinubukan naman daw ni Lee na ayusin ang lahat. Pero napagdesisyunan nila na mas makabubuti kung lingguhan na lang silang magkikita para sa kanilang anak na si Malia.

“Parang mas ano, ‘oh darating ang Dada mo …’ tapos mag-uusap kami, saan kakain, ganoon. Unlike noong nandito, konting ano, init ng ulo. Ganoon talaga,” paliwanag niya.

Mas mabuti na umano ang naturang setup para sa kanilang dalawa ni Lee.

“Ang pinakamabuti doon talaga … hindi masakit, wala kaming pait-paitan sa isa’t isa,” ani Pokwang.

Pinayagan din daw niya si Lee na isama ang kanilang anak sa Amerika para makita nito ang kaniyang lolo at lola.

Nagpapasalamat naman si Pokwang sa mga proyektong ginagawa niya para maging busy ang kaniyang isip.

“Kung meron kang negative side sa buhay mo, ito iyong positive side sa buhay ko now,” sabi ni Pokwang. “Very thankful ako sa dami ng dapat kong i-focus na magaganda, like sa trabaho, sobrang thankful, grateful GMA, sobra thank you.”

Magiging host si Pokwang ng upcoming variety show “TiktoClock,” kasama si Kuya Kim Atienza at Rabiya Mateo.

Mapapanood ang “TiktoClock” mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 11:15 a.m., simula sa July 25.— FRJ, GMA News