Sa pagdiriwang ng ika-43 anibersaryo ng Eat Bulaga nitong Sabado, hindi pinalagpas ng Dabarkads na batiin si Maine Mendoza sa kaniyang engagement kay Arjo Atayde.

"Usapang love!" sabi ni Bossing Vic Sotto kaugnay ng tema nila na 143.

“Ang ‘Daddy’s Girl’ ko mag-le-level up na ang love! Engaged na, congratulations!" pagbati ni Vic kay Maine.

ADVERTISEMENT

“Thank you itay (Vic), thank you Dabarkads!” tugon naman ng pasasalamat ni Maine sa kaniyang co-hosts.

"Iiyak na 'yan! Iiyak na 'yan!" pagbiro naman ng Dabarkads sa dalaga.

Sa kaniyang Instagram post nitong Biyernes, ibinahagi ni Maine ang wacky shot nila ni Arjo, na makikitang may suot na singsing si Maine.

Nagsimulang pag-usapan ang relasyon nina Maine at Arjo noong December 2018. Pagsapit ng Enero 2019, kinumpirma ni Arjo na "exclusively dating" na sila ni Maine.

Noong December 21, 2021, ipinagdiwang nila ang kanilang third anniversary bilang magkasintahan habang nasa yate. —LBG, GMA News