Pumanaw na sa edad 62 nitong Miyerkoles si Danilo "Totong" Federez, ang puppeter sa likod ng puppet na si "Arn-arn," na nagsilbing sidekick ni Arnold Clavio sa GMA show na "Unang Hirit."

Ayon kay Arnold, pumanaw si Totong Federez sa kaniyang pagkakatulog.

“Sa pagkakataong ito, medyo nabigla kaming lahat at nakikiramay po kami kay Maris, ang naulila po ni Totong Federez,” saad ni Igan Arnold.

“Hindi niyo alam, si Totong po ay nagpasaya sa inyo sa napakaraming taon dito sa ‘Unang Hirit.’ Si Totong po ay nasa likod ni Arn-arn,” dagdag pa niya.

“Sa lahat po ng napasaya ni Totong, maraming salamat. Kami rin dito, salamat. Rest in peace and may God bless your soul. Totong, saludo,” patuloy ni Igan.

Pahayag naman ng asawa ni Totong na si Maris sa Facebook post, "I love you, daddy. In God's grace we'll see each other again. Salamat sa Dios."

Nagawa ni Arn-arn na makarating ang iba't ibang bahagi ng Pilipinas para mag-cover ng mga event at mag-guest sa mga programa sa GMA.

Nagkaroon din si Arn-arn ng pagkakataon na ma-interview si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong 2019, ibinahagi ng mga host ng Unang Hirit na makikita kay Totong Federez ang enthusiasm na paghandaan ang kaniyang role bilang puppeteer ni Arn-arn.

Ngunit taong 2017 nang magkaproblema sa kalusugan si Totong. Nagkaroon siya ng stroke na nakaapekto sa kaniyang paglalakad at pagsasalita, dahilan para ma-confine siya sa ospital ng dalawang buwan.

Nang panahon iyon, pinasalamatan ni Totong ang kaniyang Kapuso colleagues, na hindi nakalimot at tumulong sa kaniya sa kaniyang pinagdadaanan. --FRJ, GMA News