Pinusuan ng netizens ang pagpapahalaga na ipinakita ni Mavy Legaspi sa isang dalagang avid fan ng Legaspi family nang makipag-bonding siya rito at ihatid pa ang isang magazine na may autograph nilang lahat.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa isang video ni Afreka Superio ang bonding moment nila ng Kapuso actor.

"Nag-post lang po kasi ako for memories pero maraming tao 'yung nagandahan sa caption, sa ginawa ni Mavy, sa Legaspi family sa akin," sabi ni Afreka.

Napag-alaman na matagal nang fan ni Mavy si Afreka.

Nagsimula ito nang magpunta ang tatay ni Mavy na si Zoren sa Iloilo noong 2019. Pinuntahan noon ni Afreka si Zoren para papirmahan ang isang magazine na may larawan ng Legaspi family.

Nag-alok si Zoren na dadalhin niya sa Maynila ang magazine para mapirmahan din kina Carmina, Cassy at Mavy.

Pero naudlot ang paghahatid ng magazine kay Afreka dahil sa pandemya.

Kaya nang magtungo si Afreka sa Maynila ngayong 2022, ang mga Legaspi pa ang nag-alok na maghatid sa kaniya ng magazine.

Personal na iniabot ni Mavy ang magazine kay Afreka.

"Very thankful ako sa kaniya eh, super supportive siya, 'yung pagmamahal niya sa akin. Of course lagi siyang nandoon. Everything, lahat ng process ko, ever since noong like 15, 16 pa ako noon, nandoon na siya," sabi ni Mavy.

"'Yung treatment niya sa akin parang little sister, tapos siya 'yung kuya ko," sabi naman ni Afreka tungkol sa aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News