Para kay Zoren Legaspi, isang masamang tao na hindi dapat gayahin ng mga manonood ang karakter niya sa "Apoy sa Langit" na si Cesar Monastrial, na tinawag niyang "gag*" at "taran**do."
"Si Cesar, sa gag*ng 'yun, wala akong natutunan. Alam mo, wala ka namang matututunan sa gag*ng tao eh, sa totoo lang," sabi ni Zoren sa kaniyang panayam sa ArtisTambayan.
"Lahat ng ginawa nu'n, walang kaganda-ganda," dagdag ng aktor.
"Si Cesar kasi, hindi mo alam kung nagsasabi ng totoo o hindi. Kasi may mga moments nagsasabi siyang mahal niya si Stella (Lianne Valentino), pero after nu'n sasaktan niya. Tapos may pagkakataon sasabihin din niya kay Gemma (Maricel Laxa) na mahal niya pero pagdating kay Gemma puro pera naman 'yung hinahanap."
Si Cesar Monastrial ang furniture contractor ng pumanaw na asawa ni Gemma na si Rey Hidalgo. Tatanggapin ni Gemma at ng anak nitong si Ning (Mikee Quintos) si Cesar sa kanilang buhay bilang panibagong padre de pamilya, ngunit magugulo sa pagdating ni Stella.
Magpapanggap si Stella bilang ang nawawalang anak ni Cesar, ngunit sa likod nito ang itinatago nilang relasyon.
"Ang natutunan ko kay Cesar is 'yung pagganap sa character ni Cesar, doon ako maraming natutunan. Pero 'yung galaw ni Cesar mismo, 'yung ugali niya, wala sa pangarap ko na may matutunan sa kaniya, dahil ayaw kong matutunan lahat ng katarantaduhan ni Cesar," sabi ni Zoren.
"Dahil ayaw kong painumin ng zombie protein si Carmina. Baka naman pinapainom ko na si Carmina ng protein shake dito ng zombie," dagdag pa niya.
Sa naturang series, pinainom nina Cesar at Stella si Gemma ng zombie drug para mawala sa huwisyo at malayo ang kaniyang kalooban kay Ning at best friend nitong si Blessie (Mariz Ricketts).
"Portraying Cesar, it's like portraying five different personalities," sabi ni Zoren, na pinasalamatan ang produksiyon, kanilang Executive Producer at direktor na si Laurice Guillen na hinayaan niyang laruin ang karakter na si Cesar.
"Sa pagganap kay Cesar marami akong natutunan. Pero kung ano ang natutunan ko sa ugali ni Cesar, wala akong natutunan, ayokong matutunan kung meron man. Ayaw ko siyang matutunan. At 'yung mga nanonood huwag din nilang gayahin si Cesar," payo ni Zoren sa mga manonood.
Finale na ng Apoy sa Langit ngayong Sabado. —LBG, GMA News
