Sinampahan ng kasong rape ng Taguig City Prosecutor's Office si Ferdinand “Vhong” Navarro sa Taguig Regional Trial Court kaugnay sa umano'y panghahalay ang TV host-actor sa model-stylist na si Deniece Cornejo na nangyari noong 2014.

Sa impormasyon nitong Agosto 31, inakusahan ng mga piskalya si Navarro ng panghahalay sa biktima sa pamamagitan ng “force, threat, and intimidation” at nilasing noong Enero 17, 2014.

Samantala, iniutos ng Taguig RTC na itigil ang pag-raffle ng kaso hanggang sa maresolba ang motion for reconsideration at urgent motion ni Navarro para sa pagpapalabas ng status quo ante order mula sa Court of Appeals.

Noong Abril 2018, ibinasura ng Department of Justice ang petition for review na inihain ni Cornejo, na hinahamon ang resolusyon noong Setyembre 2017 na lumitaw na walang nakitang probable cause para sampahan ng kaso si Navarro sa korte.

Nanindigan ang DOJ na walang sapat na ebidensiya na magpapatunay sa akusasyon laban kay Navarro, at sinabing "not impressed" ito sa mga karagdagang ebidensiya ni Cornejo kabilang ang mga sumusunod: dalawang dating reklamo ng panggagahasa na isinampa ng dalawa pang babae, isang nailathalang pahayag ng isa pang tao, at isang alegasyon ng date-rape drug.

Gayunman, isinantabi ng CA ang resolusyon ng DOJ noong nakaraang buwan dahil inutusan nito ang City Prosecutor ng Taguig na magsampa ng kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro.

Sinabi ng Korte na, “preliminary investigation is not the proper venue to rule on the respondent’s guilt or innocence.”

Sa kanilang parte, sinabi ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro, na "very surprised" sila sa resolusyon ng CA.

“Yes, to be very honest, we were very surprised. It is the case that the dismissal of the rape allegations had been consistently dismissed multiple times,” sabi ni Mallonga sa isang panayam sa ANC nitong Biyernes.

Sinabi niyang malinaw na ang pasya ng DOJ ay batay sa nakitang mga tala tungkol sa alegasyon.

“Was the DOJ wrong in dismissing the January alleged rape? Of course not,” sabi ni Atty. Mallonga.

Dagdag pa niya, nauna nang sinabi ni Cornejo na walang panggagahasa na nangyari noong Enero 17, ngunit kalaunan ay binago ang kuwento “when there was already a case filed against her.”

“It’s an afterthought, it’s incredible, and as correctly found by the Department of Justice, it is not consistent with human behavior,” sabi ng Atty. Mallonga. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News