Hindi lang basta natupad ang pangarap ng isang 15-anyos na lalaki na makalaro sa bilyar ang idolo niyang si Efren "Bata" Reyes, kung hindi tinalo pa niya ito sa isang torneo sa MassKara Billiards Tournament sa iskor na 8-5 nitong Miyerkules.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakaharap ng tubong Antipolo, Rizal na si AJ Manas sa semifinals para sa 10-ball race to eight ang living legend na binansagang "The Magician."

Pag-amin ni AJ, hindi niya naiwasan na makaramdam ng pressure nang makaharap ang kaniyang idolo.

"Siyempre po ang dami pong nanonood, sobrang dami niya pong fans," saad ng binatilyo.

Labis naman ang paghanga ni Efren sa kaniyang batang katunggali.

"Panalo 'yung pocketing niya. 'Yung panghulog ng bata, ang galing. Mayroon na rin siyang mga position," paliwanag ni Efren.

"Ang tira ko naman ngayon, pawala na eh. 'Yung mga tinitira niyang pahulog, ako hindi ko na kaya 'yun eh. Magaling kahit malayo," dagdag niya.

Inimbitahan pa ni Efren si AJ sa kaniyang training center.

"Puwede siyang mag-training dun para mag-ano siya dun, makasama sa team namin," paghikayat ni Efren, sabay payo na dapat pa ring mag-aral si AJ.

Labis naman ang pasasalamat ni AJ na nabigyan siya ng pagkakataon na makalaro ang kaniyang idolo.

"Nagpapasalamat dahil nakalaro ko po siya sa tournament na 'to at sana po maturuan niya po ako ng mga tira na hindi ko pa po alam," saad niya.

Pinasalamatan din niya si Efren sa pagiging magandang halimbawa sa mga kabataang tulad niya.

"Nagpapasalamat po ako sa inyo dahil may mga kabataan pong gumagaya po sa inyo dahil sa mga nakuha n'yong achievements sa iba't ibang bansa sa larangan ng billiards," ani AJ. "Kaya nagpupursige po kami na maging kagaya po ninyo." —FRJ, GMA News