Inihayag ni EA Guzman na handa siyang ipaubaya ang sarili niyang kaligayahan para makitang masaya at kumportable ang buhay ng kaniyang mga kapatid.

"I would sacrifice my own happiness para sa kasiyahan din ng mga kapatid ko," sabi ni EA sa panayam sa kaniya sa GMA Regional TV Early Edition.

"Personally, marami na rin akong sinacrifice para sa sarili ko. Kumbaga bago ako bumili ng isang investment, talagang iniisip ko kung paano rin sila. Kumbaga, kasama dapat sila," dagdag ng Kapuso actor.

Noon namang nakaraang taon, sinorpresa ni EA ang kaniyang ina nang regaluhan niya ito ng bagong bahay.

Inihayag ito ni EA kaugnay sa bago niyang teleserye na "Nakarehas Na Puso," na gaganap siya bilang kuya na si Miro.

Si Miro ay isang anak na naging pariwara at nawalan ng direksyon sa buhay mula nang magkawatak-watak ang kanilang pamilya.

Ayon kay EA, nagsisilbing inspirasyon niya sa trabaho ang beteranang aktres na si Jean Garcia, nagumaganap na ina niya sa serye.

"Alam naman natin kung gaano siya kahusay, mapakontrabida man, bida man, drama man. I'm looking forward na magawa namin 'yung mga madadrama at mabibigat na eksena. Looking forward din ako sa kaniya when it comes to acting," sabi ni EA.

"Ako kasi 'yung aktor na hindi lang ako kakampante sa kung ano man 'yung ginagawa ko. Gusto ko natututo rin ako," dagdag niya.--FRJ, GMA News