Happy at proud si Michael V sa pagdiriwang ng ika-27 anibersaryo ng Bubble Gang. Hiling ng comedy genius, umabot ng tatlong dekada at higit pa sa pagpapatawa ang longest-running gag show.
"I'm proud of the show, I'm really proud of the show, especially all the people behind it. Kasi hindi normal ito eh, hindi regular na nangyari ito sa isang show. And yet noong umabot ng 10 years, parang tatagal pa tayo," sabi ni Michael sa isang panayam ng Stand For Truth.
"Sana nga tuloy-tuloy na umabot tayo doon sa Big 30," dagdag ni Bitoy.
Marami nang iconic na mga karakter si Bitoy na talaga namang tumatak at nagpasaya sa mga manonood, tulad nina Mr. Assimo, Tatalino, Yaya ni Angelina, Dingga, at Cecilio Sasuman.
Sa reboot ng Bubble Gang, nagkaroon ng mga bagong ka-Bubble ang show, tulad nina Kokoy de Santos, Dasuri Choi, Faith da Silva, Kim de Leon at ang comeback ni Tuesday Vargas.
Pinangungunahan ngayon ng multi-talented director na si Frasco Mortiz ang Bubble Gang, na sinabing sakto ang blending ng mga dati at bagong member para mas maibigay ang kanilang sketches.
Mas marami ring mini-sketches o comedy skit ang show, at may impluwensiya rin ang social media sa kanilang content.
Naniniwala si Bitoy sa kapangyarihan ng social media para manatiling relevant ang kanilang programa. —LBG, GMA Integrated News
