Higit pa sa katatawanan ang ipinakita ni Michael V. nang maantig ang netizens sa hugot ng kanta niyang “Gusto Ko Nang Bumigay,” na parody ng kantang “Gusto Ko Nang Bumitaw.”

Ibinahagi ni Michael ang bersyon niya ng kanta ni Sheryn Regis sa ikalawang bahagi ng ika-27 anibersaryo ng “Bubble Gang” na #BGVenti7.

Ang “Gusto Ko Nang Bumigay” ay tungkol sa isang miyembro ng LGBTQ+ community na gusto nang ilantad ang kaniyang tunay na sarili, pero hindi niya magawa.

ADVERTISEMENT

Sa video, mapapanood si Michael na nagpapapalit-palit ng iba't ibang makukulay na damit, kasama na ang outfit ng isang sirena, na posibleng hinango sa kantang "Sirena" na inalay din para sa LGBTQ+ community.

Saad sa lyrics:

"Gusto ko nang bumigay pero too late na siguro
Tagal ko nang pinigil pero lalo lang nanggigil
Kailan ba ako pwedeng bumitaw"

Dahil dito, lalo pang hinangaan si Bitoy sa kaniyang latest parody.

"Michael V. is a national treasure, for real" saad ng isang netizen.

"Comedy pero may kurot sa puso. Ang galing, grabe. Yung lyrics, transitions (props to the editor), at syempre yung execution at pagkanta ni Sir Bits — napaka-creative at talented na tao talaga," saad ng isa pang netizen. — VBL, GMA Integrated News