Inaresto ng mga awtoridad sa New York City ang isang 30-anyos na babae na pumasok sa apartment ng Hollywood actor na si Robert De Niro, at tinangkang nakawin ang mga regalo na nasa ilalim ng Christmas tree.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nangyari ang insidente sa Upper East Side nitong Lunes ng madaling araw.
Ayon kay Arthur Tsui, tagapagsalita ng New York Police Department, nakita raw ng mga pulis ang pagpasok ng suspek sa basement ng gusali sa East 65th Street.
May nakitang palatandaan ang mga pulis ng puwersahang pagpasok. Naaktuhan umano ang suspek sa ginagawang pagnanakaw sa apartment ng aktor.
Dati na raw may rekord ng pagnanakaw ang suspek, ayon kay Tsui.
Ayon sa ABC News, may dalang bag ang suspek at doon inilalagay ang mga regalo.
Nasa bahay daw ang 79-anyos na si De Niro nang mangyari ang insidente at bumaba nang madinig ang kaguluhan sa ibaba ng apartment.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang babae, at inaasahan na babasahan ng sakdal sa kaniyang ginawa.
Sinabi ni Stan Rosenfield, tagapagsalita ni De Niro, pansamantala lang na nanunuluyan sa naturang apartment ang aktor. Pero hindi siya nagbigay ng pahayag sa nangyaring nakawan.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News

