Dumulog sa programang “Sumbungan ng Bayan”, ang vlogger na si Tita Krissy Achino matapos umano siyang mabiktima ng scam nang mag-book ng accommodation sa isang villa sa Tagaytay. Ano-ano nga ba ang dapat gawin para makaiwas sa ganitong uri ng panloloko? Alamin.

Ayon kay Krissy Achino, nag-book sila para sa staycation ng pamilya sa Tagaytay para sana doon ipagdiwang ang Bagong Taon.

Nahanap raw ng kaniyang ate ang naturang accommodation sa pamamagitan ng online booking platform. Nagpasya raw sila na makipag-usap sa may-ari ng accomadation sa Facebook para mas maging madali ang kanilang komunikasyon.

“And then it was a smooth transaction. We paid the deposit, 50%. So, it was P10,000 muna for one night stay for 10 pax and then we paid P5,000. Tapos nu’ng na-receive na nila ‘yung partial payment namin, sabi nila may P1,000 discount if magfu-full payment kami so paid na in total,” saad ni Tita Krissy.

“Magandang ‘yung naging transaction kasi nagtatanong kami kung may kalan, kung puwede ang mga aso, kung may water. So talagang responsive sila until few days before the 31st [of December]. So, medyo na-sketchyhan na kami, hindi kasi sila masyadong nagre-reply,” dagdag pa niya.

“Parang three days before, they offered us to extend kasi ‘yung naka-book daw ng January 1-2, nag-cancel and they are offering us the same room of the same villa for half the price for P4,000,” patuloy pa niya.

Kinagat din nila ang naturang alok para makapag-bonding sila ng pamilya ng mas matagal. Pero pagpunta nila ng Tagaytay, nalaman nilang wala ang hinahanap nilang address sa naturang staycation.

“’Yung block 10 pala does not exist. ‘Yung specific village only has blocks 1 to 3. So ‘yung bumungad ang guard sa amin sabi niya, ‘Ma’am mukhang na-scam po kayo kasi block 1, 2, and 3 lang po ang nandito. Wala pong block 10,” saad ni Krissy.

“Para siguro makampante ang ate ko na wala talaga ang specific picture of the villa, inikot nila ‘yung village. So nalaman later on na ‘yung picture pala it was stolen in a resort sa Pampanga. Kaya pala hindi siya magtugma. So, it’s really a scam,” patuloy niya.

Ayon kay Atty. Kristjan Gargantiel, malinaw na isang halimbawa ng fraud ang nangyari kina Krissy.

“Kapagkuha nila ng pera sa family ni Krissy ay coupled with fraud, deception, papasok ‘yan sa estafa. Although alam naman natin, matagal na ‘yung crime na estafa na ‘yan,” paliwanag ni Gargantiel.

“Recently, ‘yun nga nagkaroon ng batas na kapag ang halaga na na-estafa sa victim ay hindi lalagpas sa P40,000, relatively, mababa lang ‘yung penalty dyan. Hindi lalagpas ng anim na buwan [na pagkakakulong],” dagdag pa niya.

Pero dahil gumamit daw ng social media at online booking website ang mga nanloko kila Krissy, maaari daw mas mabigat ang maging mga parusa nito.

“Du’n sa kuwento kasi ni Krissy ‘yung nangloko sa kanila gumamit ng social media platform, gumamit siya ng isang online booking na website… du’n niya ininvite sila Krissy na mag-usap sila at mag-transact para maloko nila sila Krissy,” saad ng abogado.

“So gumamit siya ng computer system, kapag estafa ‘yan at ginamitan ng computer system, mas mataas ang penalty, aabot ng anim na taon ‘yan. So, puwede silang mag-file ng kasong estafa under the Revised Penal Code in relation to Cybercrime Law,” giit pa niya.

Samantala, sinabi ni Gargantiel na wala siyang napansing “red flags” sa naging transaksyon sa pagitan nila Krissy at umano'y scammer.

“I won’t say it’s red flag kasi du’n sa kuwento ni Krissy, kung ako ang nasa lugar niya, the accommodation is like P10,000 per night originally. Hindi siya mahal, hindi rin siya mura na parang to the point pinamimigay na lang ang accommodation. So, okay lang naman ‘yun,” saad niya.

“Ang medyo magtataka at medyo delikado, nagkaroon ng element of risk on the part of nila Krissy ay hinihikayat na silang magbayad in full,” saad ng abogado.

“At that point, hindi naman talaga bawal na i-require ng isang housekeeping or ng isang tourist destination ang full payment before checking-in and use of their facilities. There’s nothing wrong with that,” paglilinaw pa niya.

“But what is usually normally done by patrons and guests, magbabayad sila ng partial muna like what they did nila Krissy. Pero ‘yun na nga eh, siyempre kung ikaw ba naman alukin ka ng P1,000 na discount kahit ako kukunin ko ‘yun eh,” sambit pa ni Gargantiel.

Pero sinabi ng abogado na mukhang sanay na ang scammer dahil alam na alam na raw nito ang mga patakaran pagdating sa booking ng accommodations.

“Sanay na sanay na ang scammer… Even their style of requiring P4,000 for an additional night to make it appear that someone previously booked it, and then nag-cancel lang, alam na alam na nila ang patakaran sa booking na ganyan,” ani Gargantiel.

“Pero ‘yun nga hindi ka obligadong magbayad ng buo kung hindi pa nakukuha ang serbisyo na inaalok sa iyo,” muli niyang iginiit.

Ano ba ang dapat gawin ng isang indibidwal na gustong mag-book ng accommodation at makaiwas sa scammers?

Payo ni Gargantiel, dapat munang tingnan kung may “legitimate” business ang nag-aalok ng staycation.

“Usually that happens when they apply for a municipal and mayor’s permit. Kumbaga karapatan natin ‘yun… ma’am/sir mayroon po ba kayong business permit? Anong nature ng negosyo ninyo?” sambit niya.

Ikalawa, dapat daw may “valid acknowledgement of payment” or resibo kapag nanghingi ng bayad ang isang staycation.

“Hindi naman ibig sabihin na walang resibo, iligal na. Pero puwede kasing private owner lang ‘yan parang sa ibang nauuso ngayong platforms na pinapagamit ang property nila, wala talaga silang official receipt dahil isolated transactions lang ang ginagawa nila. Pero isa ‘yun, walang mayor’s permit, at hindi man lang mag-issue ng proper receipt,” giit pa ni Gargantiel.

Ikatlo, iminungkahi niyang kumuha ng travel agent o hahanapin ang listahan ng mga accredited staycations sa Department of Tourism at mga lokal na pamahalaan.

“We can coordinate with LGUs, we can coordinate with the DOT, kung itong mga ‘to legitimate ba silang nagpro-provide ng accommodations. And take note may listahan sila ng accredited. So, mas kampante ka kapag accredited ‘yan,” paliwanag pa niya.

Dahil dumarami ang mga accommodations at kadalasang wala pang accreditations, ano naman ang dapat tingnan ng customer? Panoorin ang buong talakayan sa video ng “Sumbungan ng Bayan.” --FRJ, GMA Integrated News