Kahit marami nang nagawang proyekto, sinabi ni EA Guzman na may role pa rin siya na hindi pa niya nagagampanan, at may mga Kapuso actress na nais niyang makasama sa proyekto.

“Very vocal naman ako rito kapag ini-interview. Gusto kong gawin ‘yung may sakit, may kapansanan. For me it’s a very challenging role para sa akin na I think, magagawa ko naman nang maayos,” sabi ni EA sa Mornings with GMA Regional TV nang tanungin tungkol sa kaniyang dream role.

“Na-realize ko, ‘yun lang ang role na hindi ko pa nagagawa. Sana mabigyan tayo ng mga ganu’ng project o role,” anang aktor.

ADVERTISEMENT

Pagdating sa mga Kapuso actress na gusto niyang makatrabaho, sinabi ni EA na gusto niyang makasama sina Bea Alonzo at Jennylyn Mercado sa mga proyekto.

Ngunit may isa pang Kapuso icon na dati nang nakatrabaho ni EA ang gusto niyang makatrabahong muli.

“Nakatrabaho ko na siya pero gusto ko siya ulit makatrabaho. I wanna work with Heart Evangelista again,” sabi ni EA.

Mailalarawan ni EA na kumpleto na siya sa kaniyang showbiz career.

“Para sa akin kumpleto na eh, wala na akong hinahangad. Kumbaga sa lahat naman ng aspeto ng career ko, when it comes to acting, singing and dancing nagawa ko na rin. Pero ‘yun nga, may dream roles ako na gusto ko pang gawin, pero para sa akin kumpleto na. Kumbaga binigay na sa akin lahat ni Lord.”

Nagpasalamat si EA sa GMA Network na patuloy siyang binibigyan ng mga oportunidad.

“Grabe rin Siya, every day, every year, grabe rin siyang magbigay ng blessings sa akin. Thankful and grateful ako sa GMA Network dahil hindi nila ako pinababayaan. Every year may maganda akong project galing sa kanila. Everyday motivated din ako sa work kasi sobrang minamahal ko ‘yung trabaho dahil sa magandang career na binibigay sa akin ni Lord at ng GMA,” sabi ni EA.--FRJ, GMA Integrated News