Ipasusubasta ang electric guitar na pirmado ng bandang Eraserheads, at ang kikitain ay gagamitin para sa pagpapagamot ni Gab Chee Kee, ang gitarista ng bandang Parokya Ni Edgar.

Sa Instagram, sinabi ng frontman ng Parokya na si Chito Miranda, na si Gab ang nagpakilala sa kanila sa Eheads.

“Malamang alam naman ninyo na sobrang fans kami ng Eheads... lalo na si Gab (si Gab ang unang nagparinig sa amin ng Eheads nung 3rd year highschool kami)...at nasira na ang ulo namin sa kanila ever since!,” ani Chito.

Dagdag pa ni Chito, “Sila talaga ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit binuo namin ang Parokya.”

ADVERTISEMENT

Sinabi rin ni Chito na minsan na ring naging front act ang Parokya sa Eheads nang nagsisimula pa lamang sila.

“Ngayon, nagbigay na naman sila ng panibagong dahilan kung bakit sila ang ultimate idol namin,” ani Chito. “Maraming salamat, mga idol.”

“This is for Gab,” pahabol niya.

Ang D&D guitar ay mismong si Gab umano ang nadisenyo. Siya rin ang pumili ng kulay dahil paborito umano nitong superhero si Green Lantern.

Magsisimula ang subasta sa February 4 na may starting bid na P50,000, at tatagal ng 10-araw.

Ang alok na presyo ay dapat ipadala sa parokyaniedgarofficial@gmail.com na may subject: [Bid para kay Gab]. Makikita rin ang buong instructions sa bidding sa post ni Chito.

 

 

Una rito, inanunsyo ni Chito nitong nakaraang Enero ang pagkaka-ospital at pagkaka-ICU ni Gab dahil sa pneumonia, na dulot ng komplikasyon sa lymphoma. —FRJ, GMA Integrated News