Naging emosyonal si Sanya Lopez nang pag-usapan ang kaniyang ama, at inaming nakaramdam siya ng tampo nang pumanaw ito at maiwan silang magkakapatid na bata pa lang.

“Actually nagtatampo ako kay daddy, isa ‘yun sa mga hindi alam ng family ko,” paglalahad ni Sanya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Lumaki kasi kaming walang tatay. Naramdaman ko na ‘Ah, ang swerte niyo naman kasi may tatay kayo. Naramdaman niyo kung paano kayo alagaan ng isang tatay, kung paano kayo gabayan.’ Hindi ko po naranasan ‘yon, Tito Boy. Madalas nagtatanong ako, ‘Ano ang pakiramdam na nandito ka?’” pagpapatuloy ni Sanya.

Gayunman, naunawaan na ni Sanya kung bakit maagang nawala ang kanila ang ama, na pumanaw dahil sa heart attack.

“Mensahe ni Sanya sa ama: “Siguro daddy kung nanonood ka, ngayon alam kong nandiyan ka. Kung nasaan ako, alam ko andiyan ka palagi at alam kong ginagabayan mo ako," ani Sanya. 

"Maraming salamat sa ‘yo kasi naiintindihan ko ang lahat ng mga bagay kung bakit… may rason pala kung bakit ka rin nawala. Masakit sa umpisa na nawala ka. Pero sana nakita mo ‘yung success na meron kami ni kuya. Proud pa rin ako naging daddy kita. Thank you daddy,” patuloy ng aktres.

Sa murang edad, natuto si Sanya na tumulong sa pagtataguyod ng kanilang pamilya.

“Lahat naman po yata nakakaalam na hindi po marangya ‘yung buhay namin. Nawalan po ako ng daddy noong isang taon pa lang po ako. Kami po talagang magkapatid ni Jak at si mommy ang nagtulungan para maitaguyod ang pamilya. Hindi ko po kino-consider na ako lang din po ‘yon,” sabi ni Sanya na mapapanood sa upcoming series na "Mga Lihim ni Urduja." FRJ, GMA Integrated News.