Todo ang paghahanda at nagtiis sa diet si Sanya Lopez para makuha ang matapang, maganda at palabang look ni Hara Urduja sa “Mga Lihim ni Urduja.” Ang maaksyong full trailer ng bagong tutukang TV series, inilabas na.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing todo-exercise at cardio si Sanya para ma-achieve ang kaniyang abs, at tiniis ang kaniyang diet.

“Pinagbabawalan akong kumain ng pandesal. Gusto kong kumain ng pandesal,” biro ni Sanya.

“Talagang kailangan mong mag-focus eh. Minsan pinagbibigyan ko ‘yung katawan ko kung ano ‘yung hinahanap, pero idaan natin sa workout. Kung gusto mong kumain ng masarap, ilaban natin sa workout ‘yan,” dagdag ni Sanya.

Maganda, matalino at matapang ang mga katangian ni Hara Urduja, ang malaalamat na Warrior Queen ng Tawalisi.

Very proud si Sanya na maging instrumento at boses ng isang empowered Filipina.

“Isa siyang hero para sa akin, lalo na sa mga kababaihan. Kaya natin, kaya ng mga kababaihan pumantay sa mga kalalakihan,” sabi ni Sanya.

Si Urduja rin ang nangunguna sa digmaan laban sa mga mananakop, bilang pinuno ng Tawalisi.


Madalas kasama ni Urduja si Dayang Salaknib, na gagampanan ni Rochelle Pangilinan.

Mapapanood na ang “Mga Lihim ni Urduja” sa pilot episode nito sa Pebrero 27 pagkatapos ng 24 Oras.

Samantala, tunghayan ang full trailer ng star-studded TV series na "Mga Lihim ni Urduja." --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News