Mainit na pinag-usapan sa social media ang naging pahayag kamakailan ni Liza Soberano kaugnay sa kaniyang mga pinagdaanan sa entertainment industry.

Sa vlog nitong Lunes, nagkomento si Ogie Diaz na dating manager o nangasiwa ng maraming taon sa showbiz career ni Liza.

"At the end of the day, si Liza pa rin ang masusunod kung ano'ng gusto niyang gawin sa buhay niya, kung ano'ng gusto niyang gawin sa socmed accounts," ani Ogie.

Sabi pa ni Ogie kay Liza, "Anak, lagi kang binibigyan ng chance to say your piece, your opinion, your suggestion. Pinapakinggan ka rin naman 'pag may complaints ka pero minsan 'di ba we have to meet halfway."

Patuloy ni Ogie, "Pinagbibigyan mo naman ang production 'pag nilambing ka nila and I thank you for that. Pakikisama ang tawag doon, anak, pagtatanim para in the future, may aanihin. Kapag may ayaw ka, anak, isinaalang-alang din nila 'yun di ba?"

Sabi pa ni Ogie, ang kasikatan na tinatamo ni Liza ay hindi lang dahil sa kaniya, sa dati niyang studio, at sa production staff, bagkos kasama na rin ang dedikasyon ng aktres sa kaniyang trabaho.

"Siyempre, ako bilang former manager ni Liza, buksan mo man ang puso 'yun ang laman, na gusto kong makabalik uli si Liza. Gusto ko, magningning uli ang career niya. Alam ko kaya pa ni Liza, alam ko may asim pa si Liza. Hinihintay lang siya ng mga fans," ani Ogie.

Bago naglabas ng kaniyang saloobin sa vlog, binura muna ni Liza ang kaniyang Instagram at YouTube posts. Dahilan para mag-isip ang mga follower niya kung na-hack ang kaniyang account.

Kalagitnaan ng 2022 nang pumirma si Liza sa talent agency na Careless, ng aktor na si James Reid. — FRJ, GMA Integrated News