Sa  nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," tinanong si Herlene "Hipon Girl" Budol na kung magkakaroong sunog at may isa lang siya na puwedeng iligtas, sino ang pipiliin niya: ang baby o ang lola?

Dahil isang beauty queen, ginaya nina Boobay at Tekla na mala-pageant ang naturang episode kung saan naglagay sila ng question and answer portion para kay Herlene, kasama ang apat na "mema squad" na sina Pepita Curtis, Ian Red, Buboy Villar, at Jennie Gabriel

Tinanong nina Tekla at Boobay si Herlene na kung mayroon sunog at may isa lang siya na maaaring sagipin, sino ang pipiliin niya: ang baby ba o ang lola.

Ayon kay Herlene, mas nanaisin niya na makasama na lang siyang masunog.

"Kasi para sa akin hindi ko kayang may mawala. So yung konsensiya ko, isasama ko na lang sa kanila. Sama-sama na lang kami," ani Herlene.

Sabi pa ni Herlene, na kilalang lumaki sa pangangalaga ng kaniyang lolo at lola, hindi niya kaya na mamili sa dalawa.

"Kasi ang hirap sa part ko. Hindi ako siguro pang contest talaga," sambit pa ng commedianne na sinabing mahirap ang tanong at hindi niya kaya na may mawala sa baby at sa lola.

Nilagyan naman ni Boobay ng "twist" ang tanong at sinabing sino ang sasagipin ni Herlene, silang dalawang host ni Tekla, o ang mema squad.

Tila nagulat sina Tekla at Boobay nang seryosong sagutin ni Herlene ang tanong at pinili niya na ang mema squad ang kaniyang sasagipin.

"Alam mo kung bakit? Mas piliin mo yung mas marami. Kasi mas marami yung maililigtas mo, ibig  sabihin mas maraming buhay yung maililigtas mo," paliwanag niya.

Ayon kay Herlene, dalawa lang si Boobay at Tekla, habang apat katao ang mema squard.

Napasang-ayon naman si Boobay sa paliwanag ni Herlene.

Biro ng mema squad kina Boobay at Tekla, sila na ang bahala sa bulaklak at pakape sa dalawa. --FRJ, GMA Integrated News