Ibinahagi nina Miriam Quiambao at Ardy Roberto kung paano nila natuklasan na sila ang itinadhana para sa isa’t isa. Napag-alaman na muling nagkita ang dalawa matapos na magkasama sa book writing course makaraang pumanaw ang misis ni Ardy at nagpunta sa lamay si Miriam para makiramay.

Sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" nitong Lunes, ikinuwento ni Ardy, isang best-selling author, entrepreneur at speaker, na nagkakilala sila ni Miriam nang maging estudyante niya si Miriam sa isang book writing course noong 2012.

May asawa na noon si Ardy, pero pumanaw ito noong sumunod na taon. Dumalaw naman si Miriam sa burol ng asawa ni Ardy para makiramay.

Nagbigay si Ardy ng isang madamdaming eulogy tungkol sa kaniyang yumaong asawa. Doon, natuklasan ni Miriam kung gaano kabuting kabiyak si Ardy, at naikumpara ng dating beauty queen sa kaniyang ex-husband.

“Sabi ko, ‘Grabe naman ‘yung pagmamahal ng guy na ito.’ Kasi kinukuwento niya na nagkasakit ‘yung asawa niya, for six months inalagaan niya hanggang mamatay in his arms,” kuwento ni Miriam.

"Tapos sabi ko, grabe ‘yung love. Kinompare (compare) ko roon sa dati kong napangasawa. Sabi ko, walang wala talaga ‘yung dati ko,” natatawang biro ni Miriam.

“Sabi ko, ‘Lord, gusto ko ng ganiyang klaseng pagmamahal doon sa taong pipiliin mo para sa akin,’” sabi ni Miriam. “Ang hiningi ko ‘yung pagmamahal ha, hindi siya,” natatawang paglilinaw niya.

Sabi naman ni Ardy, habang nagluluksa siya, nananalangin naman ang kaniyang anak na limang taong gulang noon na bigyan siya ng bagong asawa.
“Every day nagpe-pray siya, ‘God can you give my dad a new wife.’ Tapos ayun pray siya nang pray, nag-pray siya sa God of the universe, ang ibinigay Niya Miss Universe,” kuwento ni Ardy.

Si Miriam naman, nahiwalay noong 2004 sa una niyang asawa. Matagal na panahon daw nananalangin si Miriam na bigyan ng pangalawang pagkakataon sa lovelife.

“The year before na nalaman ko na siya (Ardy), may nag-prophesy sa akin, si Peter Kairuz sa 700 Club Asia. Ang sabi niya, ‘The Lord will present you to the man He has chosen for you.’ Sabi ko, ‘Ay may lalaking pinili si Lord sa akin!’” sabi ni Miss Universe 1999 first runner-up.

Abril ng 2013 nang may hilingin si Miriam sa Panginoon sa kaniyang kaarawan.

“Sabi ko ‘Lord, magbi-birthday na ako next month, 38 na ako. ‘Yung mga itlog ko tumatanda na, gusto kong magkaanak. Puwede ba Lord, sabihin Mo na kung sino talaga,” muling birong sabi ni Miriam. “Ang sabi ni Lord, mami-meet mo siya sa birthday mo.’”

“Three weeks bago ng birthday ko may nag-surprise sa akin ng birthday cake. Sabi ko ‘I wish for a lovelife on my birthday.’ Pag-blow kong ganu’n, ginulat ako ni Lord kasi nagbulong Siya ng isang pangalan sa puso ko. At ang pangalang iyon ay Ardy,” sabi ni Miriam.

“Kasi ang prayer ko habang ako ay nagluluksa, sinasabi niya sa akin ‘Magmamahal ka pa ng isa pang beses. I’ll give you one more great love. Sabi ko ‘Sino ‘yun, Lord?’ ‘Basta, bibigyan pa kita ng one more great love,’” ayon kay Ardy.

“Lord, bigyan mo ako ng sign na bago ko ligawan ‘yung babaeng ‘yon na magiging one true great love ko. Ibulong Mo ang aking pangalan sa puso niya,’” sabi ni Ardy.

“At ganoon ang ginawa ni Lord,” pagkumpirma ni Miriam.

Kinumusta ni Dabarkads Wally Bayola sina Miriam at Ardy bilang mag-asawa.

“Kanina nag-aaway lang kami,” biro ni Miriam. “Kasama ‘yan sa buhay, wala naman yatang mag-asawang hindi nag-aaway.”

“Hindi kami perpektong tao. Kahit na pinagtagpo na kami ni Lord, hindi kami perpekto, hindi perpekto ang relasyon namin. Pero ang maganda, merong perpektong Panginoon na kapag kami ang mahina, Siya ang malakas, Siya ang nasa gitna,” sabi ni Miriam.

Mag-iisang taon na ngayong nakatira sa Boracay sina Miriam at Ardy.

“God is a God of second chances. Bibigyan kayo ng pagkakataon. Sa pagluluksa, God will redeem you and God loves you. Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Habang may buhay may pag-asa,” mensahe ni Ardy sa mga nawalan ng pag-asa.

“Babe, every time I wake up in the morning, I thank God kasi nakikita ko, katabi ko, isang miracle. Hulog ng langit, you’re a blessing in my life,” mensahe ni Ardy kay Miriam.

“Babe, talagang nagpapasalamat ako na ikaw ang pinili ni Lord para sa akin. Araw-araw dinadasal ko na God will give you wisdom and strength para patuloy mong itaguyod ang pamilya natin. Ako naman, nagdadasal naman ako na gawin ako ni Lord na better help-mate para masuportahan kita sa lahat ng gagawin mo at ng pamilya natin sa buhay," mensahe naman ni Miriam kay Ardy.--FRJ, GMA Integrated News